"The Official Website of The National Spiritual Assembly of the Baha'is of the Philippines."

Bahá'ís of the Philippines Upcoming Conference

Karagdagang Detalye
More Details
 
» Quick Links

» Videos » Mirrors of Light
 
Bahá'í Songs



List of Songs

Ang Diyos ay Iisa Lamang
Ang Pag-ibig Ko ay Aking Kuta
Ang Pag-ibig
Awit ng mga Propeta
Bangon at Gumising
Batas ng Diyos ay Susundin
Buhay sa Gloria ng Diyos
Buhay

Ang Natatagong mga Salita

Bahá'í Publishing Trust Manila

Unang Bahagi | Ikalawang Bahagi

Unang Bahagi

Mula sa Arabiko

Siya ang Luwalhati ng mga Luwalhati!

Ito iyong bumaba mula sa kaharian ng luwalhati, sinalita ng dila ng kapangyarihan at lakas, at inihayag sa mga Propeta ng unang panahon. Kinuha Namin ang buod niyon at binihisan ng damit ng kaiklian, bilang isang tanda ng biyaya sa mga makatarungan, upang sila sana ay manatiling matapat sa Banal Kasunduan ng Diyos, tuparin sana sa kanilang mga pamumuhay ang Kanyang tiwala, at sa larangan ng espiritu ay makamit ang hiyas ng Banal na kapurihan.

1. O Anak ng Espiritu!

Ang una Kong payo ay ito: Mag-angkin ng isang wagas, mabait at maningning na puso, nang mapasaiyo ang isang matandang Kapangyarihan, walang pagkasira at walang hanggan.

2. O Anak ng Espiritu!

Ang lalong mahal sa lahat ng mga bagay sa Aking paningin ay ang Katarungan; huwag talikuran iyon kung hinahangad mo Ako, at huwag pabayaan iyon upang Ako ay magtapat sa iyo. Sa pamamagitan ng tulong niyon ay makakikita ka ayon sa iyong sariling mga mata at hindi sa pamamagitan ng mga mata ng iba, makababatid ka ayon sa iyong sariling kaalaman at hindi sa pamamagitan ng kaalaman ng iyong kapitbahay. Nilay-nilayin mo ito sa iyong puso; kung papaano ka dapat maging. Sa katunayan, ang katarungan ay siya Kong handog sa iyo at siyang tanda ng Aking masintahing kagandahang-loob. Ilagay mo iyon kung gayon sa harap ng iyong mga mata.

3. O Anak ng Tao!

Nalalambungan sa Aking mula't sapul na pag-iral at sa matandang kawalang-hanggan ng Aking diwa, batid Ko ang Aking pag-ibig sa iyo; dahil doon ikaw ay nilikha Ko, iniukit sa iyo ang Aking larawan at inihayag sa iyo ang Aking kagandahan.

4. O Anak ng Tao!

Inibig Ko ang paglikha sa iyo, kaya't ikaw ay nilikha Ko. Kung gayon, pakaibigin mo Ako, nang sa ganyan ay banggitin Ko ang iyong pangalan at puspusin ang iyong kaluluwa ng espiritu ng buhay.

5. O Anak ng Katauhan!

Ibigin mo Ako, nang ikaw ay maibig Ko. Kung hindi mo Ako iibigin, ang pag-ibig Ko ay walang paraang makaabot sa iyo. Unawain mo ito, 0 tagapaglingkod.

6. O Anak ng Katauhan!

Ang iyong Paraiso ay ang Aking pag-ibig; ang iyong makalangit na tahanan, ang muling pagsama sa Akin. Pumasok ka doon at huwag kang bumalam. lyan ang siyang nakatalaga sa iyo sa Aming kaharian sa kaitaasan at Aming maluwalhating nasasakupan.

7. O Anak ng Tao!

Kung iniibig mo Ako, talikuran ang iyong sarili; at kung hinahanap mong masiyahan Ako sa iyo, huwag isaalang-alang ang iyong sariling kasiyahan; nang sa ganyan ay mamatay ka sa Akin at Ako naman ay mabuhay sa iyo nang walang hanggan.

8. O Anak ng Espiritu!

Walang kapayapaan para sa iyo kung hindi ang itakwil ang iyong sarili at ang bumaling sa Akin; sapagka't nararapat sa iyo na magpakaluwalhati sa Aking pangalan, hindi ang sa iyo; ang ilagay sa Akin ang iyong pagtitiwala at hindi sa iyong sarili, dahilan sa ang hangad ko ay tanging Ako lamang ang ibigin at labis sa lahat ng naririto.

9. O Anak ng Katauhan!

Ang pag-ibig Ko ay ang Aking kuta; siya na pumasok doon ay ligtas at tiwasay, at siya na tumalikod doon ay tiyak na maliligaw at mapupuksa.

10. O Anak ng Pagpapahayag!

Ikaw ang Aking kuta; pumasok ka roon at nang ikaw ay manatili sa kaligtasan. Ang Aking pag-ibig ay nasa iyo, unawain mo iyon, nang makita mo Akong malapit sa iyo.

11. O Anak ng Katauhan!

Ikaw ang Aking ilawan at ang Aking liwanag ay nasa iyo. Kunin mo roon ang iyong luningning at huwag humanap ng iba pa sa Akin. Sapagka't ikaw ay nilikha Kong mayaman at masaganang ibinuhos Ko sa iyo ang Aking paglingap.

12. O Anak ng Katauhan!

Sa pamamagitan ng mga kamay ng kapangyarihan ikaw ay ginawa Ko at sa pamamagitan ng mga daliri ng lakas ikaw ay nilikha Ko; at sa loob mo ay inilagay Ko ang diwa ng Aking liwanag. Ikasiya mo iyon at huwag nang humanap pa ng iba, sapagkat ang gawa Ko ay walang pagkakamali at ang Aking utos ay tungkuling isagawa. Huwag na itong tutulan, ni huwag iyon pag-alinlanganan.

13. O Anak ng Espiritu!

Ikaw ay nilikha Kong mayaman, bakit mo ibinaba ang iyong sarili sa karalitaan? Ikaw ay ginawa Kong marangal, ano at pinaging-hamak ang iyong sarili? Mula sa diwa ng kaalaman ikaw ay binigyan Ko ng buhay, bakit humahanap ka ng kaliwanagan sa iba bukod sa Akin? Mula sa luad ng pag-ibig ay hinubog Ko ikaw, paano at nag-aabala ng iyong sarili sa iba? Ituon ang iyong paningin sa iyong sarili, nang makita mong Ako ay nakatindig sa loob mo, malakas, makapangyarihan at nabubuhay sa sarili.

14. O Anak ng Tao!

Ikaw ang Aking nasasakupan at ang Aking nasasakupan ay hindi mapupuksa, dahil doon ay ano at pinangangambahan mo ang iyong pagkapuksa? Ikaw ang Aking liwanag at ang Aking liwanag ay hindi kailanman mamamatay, bakit at katatakutan mo ang iyong paglalaho? Ikaw ang Aking luwalhati at ang Aking luwalhati ay hindi lalabo; ikaw ang Aking damit at ang Aking damit ay hindi kailanman maluluma. Manatili kung gayon sa iyong pag-ibig sa Akin, nang matagpuan mo Ako sa kaharian ng luwalhati.

15. O Anak ng Pagpapahayag!

Ipihit ang iyong mukha sa Akin at talikuran ang lahat maliban sa Akin; sapagka't ang Aking kapang yarihan ay mananatili at ang Aking nasasakupan ay hindi mapupuksa. Kung ikaw ay hahanap ng iba pa kaysa Akin, oo, kung sasaliksikin mo man ang sandaigdigan nang habang panahon, ang iyong paghahanap ay mabibigo.

16. O Anak ng Liwanag!

Limutin ang lahat maliban sa Akin at makipag-ugnayan sa Aking espiritu. Ito ay siyang diwa ng Aking utos, samakatuwid ay bumaling dito.

17. O Anak ng Tao!

Masiyahan ka sa Akin at huwag humanap ng iba pang katulong. Sapagka't walang iba maliban sa Akin ang makasisiya sa iyo.

18. O Anak ng Espiritu!

Huwag mong hingiin sa Akin yaong hindi Namin nais para sa iyo, anupa't masiyahan sa anumang Aming itinalaga para sa iyong kapakanan, sapagka't ito yaong kapakinabangan mo, kung doon ay pasisiyahin mo ang iyong sarili.

19. O Anak ng Kahanga-hangang Pangitain!

Ihininga Ko sa loob mo ang isang hinga ng sarili Kong Espiritu, nang sa ganyan ikaw ay maging kasintahan Ko. Bakit mo Ako iniwan at humanap ng minamahal na iba pa sa Akin?

20. Anak ng Espiritu!

Ang karapatan Ko sa iyo ay napakalaki, hindi iyon maaaring malimutan. Ang biyaya Ko sa iyo ay masagana, hindi iyon maaaring malambungan. Ang pag-ibig Ko ay gumawa sa iyo ng kanyang tahanan, hindi iyon maaaring ilihim. Ang liwanag Ko ay hayag sa iyo, hindi iyon maaaring maitago.

21. O Anak ng Tao!

Sa puno ng maringal na kaluwalhatian ay isinabit Ko para sa iyo ang pinakapiling mga bunga, bakit ka tumalikod at lumayo at nasiyahan na sa di-kasimbuti? Anupa't balikan ang mga iyon na silang makabubuting higit sa iyo sa kaharian sa kaitaasan.

22. O Anak ng Espiritu!

Marangal na nilikha Ko ikaw, gayunman ay pinaging-aba mo ang iyong sarili. Bumangon kung gayon ayon doon sa dahilan ng iyong pagkakalikha.

23. O Anak ng Kataas-taasan!

Sa kawalang-hanggan ay tinatawag kita, gayunman ang hinahanap mo ay yaong mapupuksa. Ano ang nagbunsod sa iyong tumalikod at lumayo sa Aming hangarin at humanap ng iyong sariling hangarin?

24. O Anak ng Tao!

Huwag lumampas sa iyong katakdaan, ni umangkin ng yaong hindi nararapat sa iyo. Magpatirapa ka sa harapan ng anyo ng iyong Diyos, ang Panginoon ng lakas at kapangyarihan.

25. O Anak ng Espiritu!

Huwag kang magyabang sa dukha, sapagka't inaakay Ko siya sa kanyang landasin at minamasdan kita sa iyong kalagayan ng kasamaan at ilalagay kita sa kahihiyan sa habang panahon.

26. O Anak ng Katauhan!

Papaano mong maaaring malimutan ang iyong sariling mga pagkakamali at inaabala ang iyong sarili sa mga pagkakamali ng iba? Sinumang gumawa nito ay isinusumpa.

27. O Anak ng Tao!

Huwag ihinga ang mga pagkakasala ng iba habang ikaw sa iyong sarili ay isang makasalanan. Kapag iyong lalabagin ang kautusang ito, ikaw ay isusumpa, at sa bagay na ito Ako ay sumasaksi.

28. O Anak ng Espiritu!

Alamin mo na isang katotohanan: Siya na mag-atas sa taong maging makatarungan at sa kanyang sarili ay gumagawa ng labis na walang katarungan ay hindi sa Akin, kahit na taglay niya ang Aking pangalan.

29. O Anak ng Katauhan!

Huwag iparatang sa sinumang kaluluwa yaong hindi mo nais na iparatang sa iyo, at huwag sabihin yaong hindi mo ginagawa. Ito ang Aking utos sa iyo, sundin mo ito.

30. O Anak ng Tao!

Huwag mong pagkaitan ang Aking tagapaglingkod sakaling siya ay hihingi ng anuman sa iyo, sapagka't ang kanyang mukha ay Aking mukha; anupa't mahiya ka sa harap Ko.

31. O Anak ng Katauhan!

lkaw ay magbigay-sulit sa bawa't araw bago pa tawagin ka sa isang pagtutuos; sapagka't ang kamatayan, walang pasabi, ay darating sa iyo at ikaw ay tatawagin upang magbigay-sulit sa iyong mga ginawa.

32. O Anak ng Kataas-taasan!

Ginawa Kong ang kamatayan ay isang tagapaghatid ng tuwa sa iyo. Sa anong dahilan at ikaw ay nagdadalamhati? Ginawa Kong ang liwanag ay maghunos sa iyo ng kanyang luningning. Bakit mo pinipindungan ang iyong sarili doon?

33. O Anak ng Espiritu!

Sa nakalulugod na mga balita ng liwanag ikaw ay binabati Ko: magsaya! Sa korte ng kabanalan ikaw ay tinatawagan Ko; manirahan roon nang upang mabuhay ka sa kapayapaan nang walang hanggan.

34. O Anak ng Espiritu!

Ang espiritu ng kabanalan ay nagdadala sa iyo ng nakalulugod na mga balita ng muling pagsasamasama; dahil dito ay ano't ikaw ay nagdadalamhati? Ang espiritu ng kapangyarihan ay pinagtitibay ka sa Kanyang kapakanan; bakit mo pinipindungan ang iyong sarili? Ang liwanag ng Kanyang anyo ay umaakay sa iyo; papaanong maaaring ikaw ay maligaw?

35. O Anak ng Tao!

Huwag magdalamhati liban kung ikaw ay malayo sa Amin. Huwag magsaya liban kung ikaw ay napapalapit at nanunumbalik sa Amin.

36. O Anak ng Tao!

Magsaya sa kagalakan ng iyong puso, nang maging karapat-dapat ka sa pakikipagkita sa Akin at sa pagsalamin ng Aking kagandahan.

37. O Anak ng Tao!

Huwag hubaran ang iyong sarili ng marikit Kong damit, at huwag hayaang mawala ang iyong bahagi mula sa Aking kahangahangang bukal, sapagka't baka ikaw ay mauhaw sa habang panahon.

38. O Anak ng Katauhan!

Tumalunton sa Aking mga batas bilang pag-ibig sa Akin at pagkaitan ang iyong sarili ng iyong ninanasa kung hinahangad mo ang Aking kasiyahan sa iyo.

39. O Anak ng Tao!

Huwag pabayaan ang Aking mga utos kung minamahal mo ang Aking kagandahan, at huwag kalimutan ang Aking mga payo kung nais mong matamo ang Aking kasiyahan sa iyo.

40. O Anak ng Tao!

Kung maaaring ikaw ay mabilis na makapaglakbay sa kalawakan ng alangaang at mabagtas ang kalawakan ng langit, gayunpaman, hindi ka makatatagpo ng katiwasayan liban sa pagpapasailalim sa Aming utos at pagkukumbaba sa harap ng Aming Mukha.

41. O Anak ng Tao!

Dakilain ang Aking kapakanan nang maihayag Ko sa iyo ang mga hiwaga ng Aking kadakilaan at nang makasinag Ako sa iyo ng liwanag ng kawalang-hanggan.

42. O Anak ng Tao!

Magpakumbaba ka sa harapan Ko, upang Ako ay magiliw na dumalaw sa iyo. Magbangon sa ikatatagumpay ng Aking kapakanan, upang habang nasa ibabaw pa ng lupa ay matamo mo ang tagumpay.

43. O Anak ng Katauhan!

Banggitin mo Ako sa ibabaw ng Aking lupa, upang sa Aking kalangitan ikaw ay matandaan Ko, at sa gayon ang Aking mga mata at ang iyo ay maaliw.

44. O Anak ng Trono!

Ang iyong pandinig ay Aking pandinig, makinig sa pamamagitan niyon. Ang iyong paningin ay Aking paningin, itingin mo iyon, upang sa kaibuturan ng iyong kaluluwa ay mapatotohanan mo ang Aking marangal na kabanalan, at Ako sa sinapupunan ng Aking Sarili ay makapagpatunay sa marangal na kalagayan para sa iyo.

45. O Anak ng Katauhan!

Maghangad ng kamatayan ng isang martir sa Aking landas, nang nasisiyahan sa Aking ikinagagalak at nagpapasalamat sa yaong Aking iniatas, nang gayon ay makapahinga ka sa Aking piling sa silong ng kulandong ng kamahalan sa likuran ng tabemakulo ng kaluwalhatian.

46. O Anak ng Tao!

Magbulay-bulay at magnilaynilay. Ang iyo bang nasa ay ang mamatay sa iyong hihigan, o ang magbubo ng dugo ng iyong buhay sa alabok, isang martir sa Aking landas, at sa gayon ay maging pagpapakilala ng Aking utos at tagapagpahayag ng Aking liwanag sa pinakamataas na paraiso? Hatulan mo nang wasto, O tagapaglingkod!

47. O Anak ng Tao!

Saksi ang Aking kagandahan! Ang kulayan mo ang iyong buhok ng iyong dugo ay higit na dakila sa Aking paningin kaysa sa pagkakalikha ng sanlibutan at ng liwanag ng kapwa daigdig. Magsumikap kung gayon na matamo ito, o tagapaglingkod!

48. O Anak ng Tao!

Para sa bawa't bagay ay mayroong isang tanda. Ang tanda ng pag-ibig ay katatagan sa ilalim ng Aking kautusan at pagtitiyaga sa ilalim ng Aking mga pagsubok.

49. O Anak ng Tao!

Ang tunay na mangingibig ay nagnanasa ng mga pahirap kagaya rin ng isang himagsik na humihingi ng kapatawaran at ang makasalanan ng habag.

50. O Anak ng Tao!

Kung ang kasawiang-palad ay hindi sumapit sa iyo sa Aking landas, paano kang maaaring tumalunton sa mga kilos ng yaong mga nasisiyahan sa Aking kagustuhan? Kung ang mga pagsubok ay hindi magpahirap sa iyo sa iyong pagnanasang makipagkita sa Akin, papaano mo matatamo ang liwanag sa iyong pag-ibig sa Aking kagandahan?

51. O Anak ng Tao!

Ang Aking matinding pagsubok ay ang Aking awa at tulong, sa labas ito ay apoy at paghihiganti, subali't sa loob ito ay liwanag at pagkahabag. Mabilis mong tunguhin iyon nang ikaw ay maging isang walang hanggang liwanag at isang walang kamatayang espiritu. Ito ang Aking utos sa iyo, mangyaring sundin mo ito.

52. O Anak ng Tao!

Kung ang kasaganaan ay sumaiyo, huwag kang rnagsaya, at kung ang kaabaan ay sumapit sa iyo, huwag kang magdalamhati, sapagka't ang mga iyon ay kapwa lilipas at mawawala.

53. O Anak ng Katauhan!

Kung abutin ka ng karalitaan, huwag kang malungkot; sapagka't sa takdang panahon ay dadalawin ka ng Panginoon ng kayamanan. Huwag katakutan ang pagkaaba, sapagka't ang luwalhati sa isang araw ay sasaiyo.

54. O Anak ng Katauhan!

Kung ang iyong puso ay nagnanais ng kapangyarihang ito na walang hanggan at walang pagkasira, at sa matanda at walang kamatayang buhay na ito, lisanin ang may kamatayan at panandaliang kapangyarihang ito.

55. O Anak ng Katauhan!

Huwag abalahin ang iyong sarili sa daigdig na ito sapagka't sa pamamagitan ng apoy ay Aming sinusubok ang ginto, at sa pamamagitan ng ginto ay Aming sinusubok ang Aming mga tagapaglingkod.

56. O Anak ng Tao!

Ikaw ay nagnanasa ng ginto at ninanais Ko ang iyong kalayaan diyan. Iniisip mong mayaman ang iyong sarili sa pag-aangkin mo nito, at kinikilala Ko ang iyong kayamanan sa iyong banal na kawalan nito. Saksi ang Aking buhay! Ito ang
Aking kaalaman, at iyon ang iyong akala; papaanong ang Aking pamamaraan ay makakaugma ng sa iyo?

57. O Anak ng Tao!

Ipagkaloob ang Aking kayamanan sa Aking mahihirap, upang sa kalangitan ay makakuha ka sa mga nakaimbak na walang pagkupas na dingal at mga kayamanang hindi mapupuksang luwalhati. Nguni't saksi ang Aking buhay! Ang paghahandog mo ng iyong kaluluwa ay isang bagay na higit na maluwalhati kung makakikita ka lamang sa pamamagitan ng Aking paningin.

58. O Anak ng Tao!

Ang templo ng tao ay siya Kong trono; alisan iyon ng lahat ng mga bagay, nang doon Ako ay mailuklok at doon Ako ay mananahanan.

59. O Anak ng Katauhan!

Ang iyong puso ay siya Kong tahanan; pakabanalin iyon para sa Aking pagpanaog. Ang iyong espiritu ay siya Kong lugar ng pagpapahayag; linisin iyon para sa Aking pagpapakilala.

60. O Anak ng Tao!

Ilagay ang iyong kamay sa Aking dibdib, upang Ako ay magbangon sa ulunan mo, maningning at makinang.

61. O Anak ng Tao!

Umakyat ka sa Aking kalangitan, upang matamo mo ang tuwa ng pagsasama-samang muli, at sa kalis ng hindi mapupuksang luwalhati ay inumin ang walang kaparis na alak.

62. O Anak ng Tao!

Marami nang araw ang nagdaan sa iyo samantalang inaabala mo ang iyong sarili sa iyong mga akala at walang kabuluhang mga haka. Gaano katagal kang mahihimbing sa iyong hihigan? Ibangon ang iyong ulo mula sa pagkakahimbing, sapagka't ang Araw ay sumikat na sa kataluktukan, nawa’y suminag sa iyo iyon nang may liwanag ng kagandahan.

63. O Anak ng Tao!

Ang liwanag ay suminag sa iyo mula sa tagpuang-guhit ng sagradong Bundok at ang espiritu ng kapaliwanagan ay huminga na sa Sinai ng iyong puso. Dahil doon ay iligtas ang iyong sarili sa mga lambong ng walang kabuluhang mga akala at pumasok sa Aking korte, nang ikaw ay maging karapat-dapat sa walang hanggang buhay at maging marapat na makipagkita sa Akin. Kung magkagayon na, ang kamatayan ay hindi darating sa iyo, ni ang pagkapagod, o ang pagkagambala.

64. O Anak ng Tao!

Ang Aking kawalang-hanggan ay Aking likha. Nilikha Ko iyon para sa iyo. Gawain mo iyon damit ng iyong templo. Ang Aking kaisahan ay ang Aking gawang-kamay; hinubog Ko iyon para sa iyo; damitan niyon ang iyong sarili, nang ikaw sa lahat nang kapanahunan ay maging kahayagan ng Aking walang hanggang kalagayan.

65. O Anak ng Tao!

Ang Aking kamahalan ay siya Kong handog sa iyo, at ang Aking kadakilaan ay ang tanda ng Aking habag sa iyo. Yaong nararapat sa Akin ay walang makauunawa, ni maisasaysay ng sinuman. Sa katotohanan, pinangalagaan Ko ito sa Aking natatagong mga kamalig at sa mga kabanyaman ng Aking kautusan, bilang isang tanda ng Aking masintahing kagandahang-loob sa Aking mga tagapaglingkod at ng Aking habag sa Aking mamamayan.

66. O mga Anak ng Banal at Hindi Nakikitang Diwa!

Kayo ay hahadlangan sa inyong pangingibig sa Akin at ang mga kaluluwa ay maguguluhan samantalang binabanggit nila Ako. Sapagka't ang mga isipan ay hindi makauunawa sa Akin at ang mga puso ay hindi maaaring lumukob sa Akin.

67. O Anak ng Kagandahan!

Saksi ang Aking espiritu at saksi ang Aking paglingap! Saksi ang Aking habag at saksi ang Aking kagandahan! Ang lahat ng Aking inihayag sa iyo sa pamamagitan ng dila ng kapangyarihan, at isinulat para sa iyo sa pamamagitan ng pluma ng lakas, ay naaayon sa iyong kakayahan at pang-unawa, hindi ayon sa Aking kalagayan at sa himig ng Aking tinig.

68. O Anak ng Tao!

Hindi ba ninyo alam kung bakit Ko nilikha kayong lahat sa iisang alabok, upang walang sinuman sa inyo ang magpapataas ng kanyang sarili nang higit sa iba. Bulay-bulayin sa lahat nang sandali sa inyong mga puso kung papaano kayong nilikha. Yamang nilikha Namin kayong lahat mula sa iisang sangkap, tungkulin ninyo na maging tulad ng iisang kaluluwa, lumakad sa iisang mga paa, kumain sa iisang bibig at manahan sa iisang lupain, nang mula sa kaibuturan ng inyong katauhan, sa inyong mga gawa at mga kilos, ang mga palatandaan ng kaisahan at ang diwa ng pagkawalay ay mangyaring maipakilala. Ganyan ang Aking payo sa inyo, O kapulungan ng liwanag! Mangyaring sundin ninyo ang payong ito nang matamo ninyo ang bunga ng kabanalan mula sa puno ng kahanga-hangang luwalhati.

69. O Kayong mga Anak ng Espiritu!

Kayo ang Aking kabanyaman, sapagka't sa inyo ay pinagyaman Ko ang mga perlas ng Aking mga hiwaga at ang mga hiyas ng Aking kaalaman. Bantayan ang mga ito sa mga hindi kilalang tao na nasa kalagitnaan ng Aking mga tagapaglingkod at sa mga hindi maka-Diyos sa lipon ng Aking mga mamamayan.

70. O Anak Niya na Naninindigan sa Kanyang Sariling Katauhan sa Kaharian ng Kanyang Sarili!

Alamin mo na isinimoy Ko sa iyo ang lahat ng mga halimuyak ng kabanalan, lubos na inihayag sa iyo ang Aking salita, pinasakdal sa pamamagitan mo ang Aking biyaya at ninanasa para sa iyo yaong ninasa Ko para sa Aking Sarili. Kaya nga masiyahan ka sa Aking kagustuhan at magpasalamat sa Akin.

71. O Anak ng Tao!

Isulat ang lahat na Aming inihayag sa iyo sa pamamagitan ng tinta ng liwanag sa tableta ng iyong espiritu. Kung ito ay wala sa iyong kapangyarihan, gawain mong ang iyong tinta ay maging kadiwa ng iyong puso. Kung ito ay hindi mo magagawa, mangyaring isulat mo sa iyong tintang pula na ibinuhos sa Aking landas. Tunay na higit na matamis ito sa Akin kaysa lahat ng anupamang bagay, upang ang liwanag nito ay manatiling walanghanggan.

Contact Us
Copyright © 2008
Bahai.ph and The National Spiritual Assembly